Linggo, Setyembre 22, 2013

"Tahan Na"


Sa twing nakikita kitang umiiyak
Ang puso ko'y parang binibiyak
Sa bawat luhang pumapatak
Para kong dinudurog at sinasaksak.

Gawing kanlungan yaring bisig
Ng mga luhang puno ng hibik
Kahit hindi ka man kumibo't umimik
Sa akin ay yumakap lng ng mahigpit.

Kung hindi ko man kagyat maalis
Ang bigat sa pusong mong nahahapis 
Kailanman ay hindi ko matitiis
Ang tulad mong nagmamahal ng labis.

Tahan na,mahal kong sinta
Patawad kung may maling nagawa
Ngunit 'wag sanang sa aking magduda
Pagkat sa puso ko ay nag-iisa ka.
  





"Muling Magbalik"


Sa gitna ng kawalan
Nag-iisang naglalakad
Palingon-lingon
Mata ay mailap
May hinahanap-hanap.

Malapit na maubos
Bulaklak na pinitas
Iniisa-isang hinahagis
Sa hampas ng hangin
Na para bang umaawit.

Sa tapat ng ilog
na payapang nananahimik
Tila trumpong paikot-ikot
Uupo at tatayo
Paa ay kumukuyakoy.

Nangawit na ang kamay
Balisa na ang katawan
Bakit ang tagal-tagal
Walang anino,
Darating pa kaya?

Sa ilalim ng puno
tahimik na nakaupo
napapabuntong-hininga
nakayukayok ang ulo
Magdadapit-hapon na pala.

Uuwi na ako
Ngunit babalik din bukas,
magbaba-kasakali ulit
baka andoon na
at tuluyan ng magtagpo.




Biyernes, Mayo 31, 2013

"Sa Dakong Takipsilim"

Minamasdan ang langit at ulap
Nag-aagaw na ang dilim at liwanag
Sa mata'y may luhang malalaglag
Kaya nga ayaw man lang kumurap.

Ang mga pangarap ay huminto na doon
Ng malapit ng magdapit-hapon
Tanggapin na lang ng buong hinahon
Malapit nang matapos ang misyon.

Sa pagtatapos ng iyong paglalakbay
Malapit mang marating ang "finish line"
Huwag mong kalimutang isalaysay
Ang kwento ng masining mong buhay.

Sa dako ng iyong takipsilim
Huwag hayaang ang puso'y manimdim
Isipin mong sa dulo ng dilim
Ang liwanag ay naghihintay pa rin.

Kung tuluyan mang lumubog na ang araw
At ang gabi ay sadya na ngang nangibabaw
Sa nanlalabong matang di na makatanaw
Ang katahimikan nito'y siya mong kaulayaw.

Ito na lamang ang iyong pakaisipin
Gaano man kalayo ang iyong narating
Iisa lang ang magiging hantungan natin
Lahat tayo ay may kanya-kanyang takipsilim

Like · 

Biyernes, Mayo 24, 2013

"Kapitan Sabong"


Mamang nakasalakot
Matangkad at payat na panot
laging may hawak na manok
alaga sa pagbuga ng usok.

Tuwing araaw ng linggo
Alalay niya ang kristo
Sa pustang sampung libo
Di magkamayawa sa gulo.

Kapag sinimulan na ang sabong
Magsisimula ng dumagundong
Sumisigaw ang mga lulong
Sa bisyong ito nakakulong.

Ilang minuto lang ang laban
Mayron ng panalo't talunan
Isang linggong pinaghirapan
Sahod ay naubos sa pustahan.

Sa isip niya ay "di bale'
Sa susunod na derby
Tataya na siya ng malaki
Sa pagkatalo ay makabawi.


"Ang Tsinelas ni Nene"


Kahit kababaeng tao
ang paa ay may kalyo
Ngunit taas-noo
na tambay sa kanto.

Sa manipis niyang tsinelas
talamapakang puro gasgas.
Tumatakbong walang habas
Kahit pa nga mapigtas.

Sa halagang beinte
Hirap siyang makabili
Pinagtitiyagan parati
Tsinelas na pipi.

Sa baha man o init
Sa tsinelas niyang punit
Di alintana ang pait
Ang buhay niyang kaylupit!

Di man magkapareha
Ang mga sapin sa paa
Doon sa kalsada
Nag-iisang reyna..


"Mga Buwaya sa Lungsod"


Ang mga buwaya sa ilog
ay lumipat nasa mga lungsod
magpapalaki ng "botod"
dito ay magpapakabusog.

Iba't iba ang kanilang anyo
Sa unipormeng nagbabalatkayo
Sa mukha ng mga pulitiko
Doon ay nagtatago.

Sa kanilang mga pangil
kung kumagat ay malalim
Tiyak na may gigil
sa yaman natin.

Sa kanila ay walang bawal
Basta sa salapi ay magkamal
Silang mga naging hangal
Sa kasakiman ay nunukal.

Di importante sa kanila ang kapwa
Kundi ang laman ng bulsa
Kung tumulong man ay barya
Sa sandaang pisong ambaga niya.

Hindi talaga uusad
hangga't sa lungsod ay nagkalat
Mga buwayang walang habag
pera ng bayan ay nilaspag!




"Ang Banggera ni Impo"


Pinagtagpi-tagping kawayan
Maninipis na pamakuan
Nagsilbing pamingganan
Malayo sa palikuran.

Kahit na makaluma
Yaong babaeng matanda
Tangan ang kanyang losa
Malapit sa banggera.

Tinidor-kutsara sa sulok
Sa kahoy na hugis tatsulok
Mga baso'y nakataob
Kahit na ito'y magapok.

Sa gilid may tapayan
Ng tubig na sisidlan
Nagsisilbing inuminan
Ng mga uhaw na lalamunan.

Pagdating sa umaga
Magtitimpla ng tsaa
Hawak-hawak ang tasa
Na parang kondesa.