Di na naman nagsaing
Hatinggabing walang nakahain
Tutong at malamig na kanin
Sa gutom ay sa malayo nakatingin.
Ano ang gagawing sabaw
Yaring sa platong malamig na bahaw
Dinildil na asin sa tubig tinunaw
Limang tiyan ang nag-uunahan sa takaw.
Nagtitiis sa kaning matigas
Pikit-matang di pinaliligtas
Gustuhin mang lagyan ng gatas
Wala man lang madukot sa bulsang butas.
Araw-araw kahit walang ulam
Di 'yan alintana ng sikmurang kumakalam
Ang mahalaga'y malagyan ng laman
Upang ang gutom ay tuluyang maparam.
Ilang milyon pang tiyan ang salat
Na di kumakain ng sapat
Kaya huwag na tayon magulat
Kung sa gutom ay mamatay ng dilat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento