Biyernes, Mayo 24, 2013

"Pilipinas,For Sale?"


Sa aking pamamahinga aking napanood
Patalastas sa tv masakit sa gulugod
Katotohanang sadyang nakakalungkot
Yamang likas natin ay hinahakot.

Bakit naging talamak yaong bentahan
Sa giliw kong perlas ng silangan
Tila produktong naging pakyawan
Mga ganid na negosyanteng dayuhan.

Pati mga isla ginawang pribado
Ng mayayamang sagad sa buto
Pagkagahaman sa salap at ginto
Sa likas na yaman natin sila'y berdugo!

Pati kabundukan 'di rin pinatawad
Kinalbo't ginawa na ding patag
Lupa'y isinakay at doon inilayag
Magkamal lang ng salapi sa mga dayuhang kumag!

Kilala tayong sagana sa coral reefs
Sa asul niyang dagat at sa isda ay hitik
Buong mundo pa nga sa ati'y naiinggit
Ngunit pinagkakitaan lang ng mga walang bait.

Kung magpapatuloy ganitong kalapastanganan
Bayan kong isinadlak sa kalakalan
Wala ng paggalang sa ating inang kalikasan
Ano na kaya ating magiging hantungan?

Masakit isiping 'Pilipinas,For Sale?
Damdaming pinoy sadyang nakapanggigil
Huwag sanang magtagal yaring hilahil
Yamang likas maubos at makitil.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento