Biyernes, Mayo 24, 2013

"Estudyante Sugatan"


Papasok na naman sa paaralan
Umagang sikmura ko'y kumakalam
Kapeng malamig ang laman ng tiyan
Di alintana 'wag lang magalit si mam.

Ngunit batid kaya ni Mam mga dinaranas ko?
Bakit laging tahimik doon sa bandang dulo,
Di naman pwedeng isigaw sa mundo
Na kahit bata ako din ay bigo.

Kung napapagalitan man dahil maingay
Sa inyong klase at madalas pasaway
Dahil lumaki akong walang gumagabay
Bata pa lamang hiwalay na sila Itay at Inay.

Noong ako ay ma-drop out at naging tambay
Dyan sa kanto pasimuno ng away
Ngunit kahit ganon puso pa rin ay dalisay
Nais parin makabalik sa 'yong mga kamay.

Puso'y nagpupuyos at nagrerebelde
Pagkat sa aki'y walang umuunwa't umiintindi
Walang ginawang tama,lagi na lang nasisisi
Kaya't halos ayoko ng pumasok sa klase.

Minsan kang nakita sa akin ay nagalit
Pagkat project sa iyo'y naipasa ko ng late
Hindi mo ba alam sa pera kami ay gipit
Nakaratay pa ang patpating inang maysakit.

Alam mo ba nung minsang ako'y tinawag mo
Sa gitna ng talakayan ako'y pinatayo
Wala akong nasabi pagkat ako'y tuliro
Puso kong bata'y pinaglaruan at niloko.

Kahit itago ko sa aking pagkabungisngis
Ang pagtawa't paghalakhak ko ng labis
Hindi nyu ba alam ang ikinukubli kong hapis
Sa murang edad tatlong buwan nang buntis.

Ngayon Ma'am,inyo na pong nalaman
Katotohanan sa likod ng mga matang malamlam
 Maraming estudyanteng may pait na pinagdadaanan
Hiling ko lamang na 'wag kaming husgahan..

Kailangan kita,kailangan ka namin, Ma'am!
Huwag mo naman sana kaming pabayaan
Ang palad mo ang siya naming kanlungan
Sa tulad naming may mga pusong sugatan...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento