Huwebes, Mayo 23, 2013

Nasa Kamay Mo, Juan!


Gumising ka ng maaga,Juan!
Pagkat bukas na ang halalan
Tinig mo ay muling pakikinggan
Walang sinumang pwedeng humadlang.

Huwag mong ipagbili ang iyong boto
Sa halagang limandaang piso
Makinig sa binubulong ng iyong puso
Iluklok ang mabuti at tapat na kandidato.

Tandaan mong matagal nang sugatan
Sa mga pangako ang ating bayan
Ilang halalan na nga ba ang nagdaan
Ngunit pangako nila ay nasaan?

Magsawa ka na sa mga pinunong kurakot
Na nilamon na ng mga sistemang bulok
Sa kapangyarihan,sa salapi ay hayok
Sa naglalakihan nilang tiyan ay busog na busog!

Maging mapanuri ka Juan,at mapagmasid
Sa araw ng eleksyon, humayo’t tumindig,
Ang boto mo ang siyang maghahatid
Ng pagbabago sa mga kababayang “saguiguilid”.

Ang pighati mo,Juan Dela Cruz
Ay hindi na natapos-tapos
Kaya't tapusin na ang pagtutuos
Sa laban ng bansa mong naghihikahos.

Kaya Juan,hangga’t may oras ka pa
Isipin mo ang kinabukasan ng bansa
Ang boto mo,ang boses ng masa
Ang magbibigay sa atin ng panibagong pag-asa!



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento