Doon sa ibayong dagat
Baon nila'y magandang pangarap
Pag-asang di masusukat
Pagnamahal sa pamilya'y nakatatak.
Ngunit hindi lahat ng kwento nila
Ay nagtatapos sa magandang istorya
May mga kababayang nasadlak sa dusa
Ginawang alipin sa lupaing banyaga.
Di natin alam ang kanilang sinapit
Sa kamay ng among malupit
Sa pagkakamali ay hataw ang hagupit
Oh anong saklap,sadyang kaypait!
Di matatawaran kanilang sakripisyo
Kapalit ay nangangapal ng kalyo
Kahit pa nga magpawis ng dugo
Maipadala lang ang remittance sa bangko.
Umaga hanggang gabi ay kumakayod
Kahit pa nga nanginginig na ang tuhod
Di alintana ang pagsakit ng gulugod
Upang pamilya niya ay maitaguyod.
Bayaning buhay sa kanila ay tawag
Saan mang sulok ito ang bansag,
Ngunit sa likod nito ay kahabag-habag
Sa pagbabanat ng buto ay nagkalasag-lasag.
Bayaning Pinoy,hanggang kalian titiisin
Ang pambubusabos at pang-aalipin
Ang tinig mong namaos sana ay dinggin
Lahat ng paghihirap mo at mga hinaing.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento